Hindi ako nagkokotse pag umaalis ako, hindi narin ako gaanong nagtataxi simula ng umento sa pasahe. Mabigat na kasi para saakin ang kwarentang flagdown at tres singkwentang dagdag kada patak ng metro. Wala naman kasi akong pera, kung meron man, sapat lang sa panggastos sa mga pangangailangan ko. Oo merong sobra pamisan, pero madalas tipid ako o di kaya kuripot lamang talaga. Dahil sa mga ito, madalas akong nagjejeep kahit papunta sa paroroonan ko, lalo na kung wala ring mga bus sa ruta ko at eto ang bersyon ng jeepney story ko.
Solvent.
Dalawang beses na sa Linggong ito ko naranasan ito. Tatlong magkakaibang bata. Halos iisa ang storya.
Nung minsang papunta ako sa Dangwa nung biyernes, sumakay ako ng jeep rutang Cubao- Divisoria. Pag upo ko, tyaka ko lang napansin ang isang batang tila pagal na pagal na. Antok na antok. Halos wala na sa ulirat. Bawat hinto ng jeep ay isang pagkakataon para sa linggit na ipikit ang kanyang mata, hanggang sa nagtagal, di na nya namalayan nakatulog na nga talaga siya.
Naisip ko nung mga panahon na yun, "Bakit kaya siya pagod na pagod? Saan kaya siya nanggaling? Saan kaya siya pupunta?" Halata naman kasi na wala siyang kasama. Maiitim ang mga paa. Napabayaan na nga ata. Noong nagdadagsaan na ang pasahero, til wala parin siya sa ulirat, dun ako simulang nagtaka, "Ano kayang meron kay bata? Ang pungay ng kanyang mata". Sabay sigaw ni Manong driver, "Baba ka na dyan, marami na kong customer, lipat ka nalang sa harapan. Tabi kayo ni nanay." Si nanay na sosyal ang itsura, sabay hirit pag lipat ni bata, "Siguro nag sosolvent yan, imposibleng di nagsosolvent yan". Si manong driver, tuloy ang pag daldal kay bata, hanggang sa tawagin na nya itong kosa. Bumaba na ako sa bandang Avenida. Di ko na alam kung nakarating si bata sa biyaheng Divisoria...
Sobre.
Isang araw nang minsan akong papuntang Buendia. May dalawang magkapatid na umangkas sa jeep. Sabay pasok ni liit. Sabay upo naman ni ate sa tuntungan ng jeep. Nasa mga tres anyos palang si liit. Si ate naman, nasa mga dose. Maraming hawak na sobre si liit. Parang problemado naman si ate. Masaya parin si liit. Kumakanta habang namimigay ng sobre. Mistulang naglalaro lang, at kami- kami ang mga kalaro niya. Ang jeep na sinasakyan niya, ang playground nya. Nang karamihan saamin ang binalik ang sobre, sabay salampak ni liit sa gitna ng jeep, binibilang ang mga baryang nakuha nya. Sa pangalawang pagkakataon, ang saya saya niya. Mistulang naglalaro lang siya. Walang pakialam sa kung gaano na ang halaga ng nakolekta nya, basta siya, nagpapatunog lang ng mga barya. Habang nakasalampak siya, tinawag siya ni Ate (mag-asawa kasi ang nasa biyahe- driver at si ate) "Neng, halika, lipat ka dito sa harapan, baka bumaba ka ng umaandar masagasaan ka". Sa kabataan ni liit, sa tingin ko di nya alam na siya ang kinakausap ni ate. Sabi ko nga, sa tancha ko, tres anyos lang si liit. Tuloy parin siya sa paglaro. Di niya pinansin si ate. Makalipas ang ilang saglit, tinawag ni ate ang ate ni liit. "Neng, dito kayo sa harapan oh." Tinawag nang ate ni liit si Liit, sabay baba sa jeep. Hindi ko na nakita....
Hindi ko alam kung may sense ba para sainyo yung kwento ko, pero saakin sigurado akong naapektuhan ako. Gusto ko ayusan ng buhok si Liit. Gusto ko siyang kausapin. Gusto ko siya bigyan ng pagkain. Bukod sa mga kagustuhan kong iyon. Sa isang banda, napaisip ako. Napakaswerte ko.
Maswerte ako dahil pinalaki ako ng magulang ko sa simpleng buhay. Nagpapasalamat ako dahil hindi ako pinalaki ng magulang ko na de yaya, de koche, at halos lahat de-luxe ang serbis. Pinalaki ako ng magulang ko sa lakad, maraming lakad, jeep, tricycle, pedicab, mga eskinita, tawaran sa Divisoria, walkathon sa Quiapo at kung ano ano pa. Maswerte ako na pinalaki ako sa simpleng buhay. Nakakahanap ako ng kasiyahan sa mga simpleng bagay.
Ang sarap sa pakiramdam nung narinig ko ang dalawang drayber na nag-ooffer ng tulong, ng espasyo sa upuan kahit na alam nila na mababawasan sila ng kita. Ang sarap sa pakiramdam na alam mo na may malasakit sila kahit sa di nila kaanak. Ang sarap sa pakiramdam na malaman na may mga tao pa palang ganito, at mga kababayan ko ito. Hindi ko alam kung nakukuha niyo yung punto ko, pero masaya lang talaga ako.
Sana ako rin may magawa para sa mga batang katulad nila. Sana.
No comments:
Post a Comment